Tagalog news: Tacurong City, nakakuha ng suporta mula sa mga mangangalakal
KORONADAL CITY, South Cotabato, Hulyo 17 (PIA) -- Nangakong tutulong sa pamahalaang panlungsod ng Tacurong ang 20 mangangalakal sa pagbubukas ng dagdag na trabaho para sa mga residente.
Ito ay inihayag ng mga mangangalakal sa ginawang pagpupulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Public Employment Service Office (PESO) ng lungsod noong ika-12 ng Hulyo, sabi ni city information officer Allan Freno,.
Ito rin, ayon kay Freno, ay kasunod ng hiling ng pamahalaang lokal sa mga negosyo sa lungsod na magbigay ng listahan ng kanilang mga bakanteng trabaho sa PESO batay sa isang resolusyon na pangunahing iniakda ni Sangguniang Panglungsod Committee on Labor and Employment Chairperson Benjamin Fajardo Jr.
Nangakong regular umanong magbibigay ng talaan ng kanilang mga bakanteng trabaho sa PESO ang mga establisyimento upang makatulong sa mga residenteng naghahanap ng trabaho.
Pinasalamatan din ng mga administrator at human resource head ng mga negosyo sa lungsod ang inisyatibong ng pamahalaang lokal dahil, makakatulong umano ito hindi lamang sa mga naghahanap ng trabaho kundi pati na rin sa kanila, lalo na sa libreng pagkakataon na makapaganunsyo ng kanilang bakanteng trabaho. (DED/ACA-PIA12)
Number of Comments: 0