Tagalog News: Palawan LGU magtatalaga ng 16 na bagong malaria microscopists
LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan, Mayo 13 (PIA) -- Sa adhikain ng Pamahalaang Panlalawigan na mapababa ang insidente at mga namamatay sa sakit na malaria na 80% sa loob ng dalawampung taon ay magtatalaga ito ng 16 na mga bagong barangay microscopist sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan
Ayon kay Kilusan Ligtas Malaria (KLM) program manager Aileen Balderian, ang 16 na mga bagong barangay microscopist ay sasailalim sa Basic Malaria Microscopist Training sa loob ng isang buwan, Mayo 14 hanggang Hunyo 16, 2012 sa Bulwagang Princesa, dito sa lungsod.
Layon ng pagsasanay na ito na maturuan ang mga bagong barangay microscopists sa pagbabasa ng mga parasito sa microscope at pagtukoy ng sakit na malaria upang mabigyan ng agarang lunas ang mga pasyenteng nagkakaroon.
Ang pagsasanay ay pangungunahan ng Department of Health Regional Office sa pakikipagtulungan ng Act Malaria, isang non-government organization na nakatuon sa mga pagsasanay ng may kaugnayan sa malaria.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 280 barangay microscopists na nakatalaga sa iba’t ibang munisipyo sa buong lalawigan.
Nitong nakaraang taong 2011, umabot sa 92,192 ang na blood smear ng KLM sa buong lalawigan at may 416 ang sumailalim sa rapid diagnostic test kung saan umabot sa 5,627 ang naging positibo sa sakit na malaria.
Ang KLM ay isa sa mga programang pinangangasiwaan ng Provincial Health Office. (TBO/PIO/OCJ-PIA4B Palawan)
Number of Comments: 0