Tagalog news: DepEd kukuha ng 60,000 guro sa 2013
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 18 (PIA) -- Nangangailangan ng karagdagang 60,000 na bagong guro ang Department of Education (DepEd) sa 2013.
Kinumpirma ito ni Secretary Armin Luistro sa isang panayam, kung saan inilahad niya na ang pagkuha ng ganitong daming guro upang matamo ang "ideal conducive learning facility" sa bawat silid-aralan.
Ipinaliwanag niya na dapat hanggang 25 bata lamang sa bawat silid-aralan mula kindergarten hanggang Grade 2. Pagdating sa Grade 3 hanggang 4th high school, nararapat na 45 na mag-aaral sa bawat klase.
“Matatamo ang ideal ratio na ito kung makakapag-hire tayo ng mga bagong guro na siyang pupuno sa natitirang kakulangan sa mga guro. Inaasahan namin na magreresulta ito sa mas magandang pagkakatuto dahil mas matututukan ang bawat mag-aaral,” ani Luistro na bumisita kamakailan sa lalawigan upang tignan ang kondisyon ng mga programa ng ahensiya, partikular na ang kasapatan ng bilang ng mga guro kada isang klase.
Sinabi rin ni Luistro na pasok na sa pambansang badyet ng taong 2013 ang pondo na lilikha ng mga bagong posisyo o may plantilla, para sa mga kukuning 60,000 guro. Kasama na riyan ang magiging sahod ng mga ito na magsisimula sa halagang P18,000 o katumbas ng sahod ng isang Teacher I.
Kaugnay nito, bahagi rin ng 60,000 mga kukuning bagong guro ay nakalaan para sa pagpapatupad ng Kindergarten.
Nilagdaan ni Pangulong Aquino ang Republic Act 10157 na nag-oobliga sa lahat ng magulang na dapat ipasok ang kanilang mga anak na may edad na apat na taong gulang sa Kindergarten upang maihanda nang husto sa Grade 1. Dahil dito, inaasahan na lolobo ang pangangailangan sa mga bagong guro sa unang pagtungtong pa lamang ng bata sa paaralan.
Binigyaang diin din ni Luistro na ang pamumuhunang ito ng DepEd para sa mas maraming guro ay bahagi ng pagsusulong ng ahensiya sa K to 12. Isa itong repormang pang-edukasyon na kinonsepto ng Presidential Task Force on Education noong 2007 na nagpapalawig ng dalawang taon sa basic education sa ilalim ng Philippine Main Education Highway na pormal na ipinakilala noong 2009. (CLJD/SFV-PIA3)
Number of Comments: 0