Tagalog news: Seguridad sa daan ng Bagabag, Nueva Vizcaya, pinaigting ng PNP
BAGABAG, Nueva Vizcaya, August 27 (PIA) -- Nagtalaga ng mga police patrol at checkpoint ang Philippine National Police(PNP) sa national highway sa bayang ito upang magbantay sa mga motiorista laban sa mga gumagalang mga holdupper.
Ayon kay Police Chief Inspector Hector Mangaoang, hepe ng PNP sa bayang ito, tumataas ang mga insidente ng krimen hinggil sa hold – up incidents sa mga motoristang bumabaybay sa national highway, particular sa barangay Baretbet sa mga nakaraang mga araw.
Ayon sa mga imbestigador ng pulisya, namataan ng mga eyewitness ang grupo ng mga armadong lalaki na may armalite rifle at short handguns na bumibiktima ng mga dumadaang mga commuter.
“Ipinapatupad ang police visibility at patrol system sa lugar na barangay Baretbet upang pigilan at posibleng mahuli ang mga grupong nagsasagawa ng mga krimen laban sa mga mamamayang bumibiyahe,” pahayag ni Mangaoang.
Hinimok din ni Mangaoang na maging mapagmasid, alisto at maingat ang mga bumibiyaheng motorista upang huwag maging biktima ng mga holduppers. (BME/PIA 2-Nueva Vizcaya)
Number of Comments: 0