Tagalog news: Programa laban sa mga ‘riding in tandem’ malapit nang ipatupad sa Nueva Vizcaya
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Agosto 2 (PIA) -- Ang programang Verification of Identity and Sticker Authenticity (VISA) ng Philippine National Police (PNP) ay malapit nang maipatupad sa probinsiyang ito.
Ayon kay Police Senior Supt. Valfrie Tabian, PNP provincial director, nasa hanay na ng mga mambabatas ng probinsyal na pamahalaan ang nasabing panukala at sa anumang sandal ay maaaprubahan na ito.
Nauna rito, inindorso ng Provincial Peace and Order Council and nasabing panukala upang maipasakamay at maaprubahan ito ng Sangguniang Panlalawigan.
“Ang panukalang ito ay nangangailangan ng aksiyon ng mga board members upang ito ay maging ganap na batas na ipapatupad sa mga mamamayan ng Nueva Vizcaya,” paliwanag ni Tabian.
Ang Oplan VISA, dagdag ni Tabian, ay isang sistema ng seguridad at pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa probinsiya dahil sisitahin ng mga pulis ang mga motorsiklong walang sticker at kung iba ang nagmamaneho nito sa mga ipapatayong mga checkpoints.
Ani ni Tabian, hangad ng Oplan VISA na mapigil at mahuli ang mga kriminal na gumagamit ng mga walang plaka at ninakaw na motorsiklo.
Ayon pa kay Tabian, ginawa ang Oplan VISA dahil sa mga insidente ng pagpatay ng mga tinatawag na ‘riding in tandem’ criminals na gamit ang mga ninakaw na mga motorsiklo.
Ang Oplan VISA na konsepto ni Police Chief Supt. Rodrigo De Gracia, kasalukuyang PNP regional director sa lambak ng Cagayan, ay ipapatupad din sa ibang probinsiya at siyudad sa rehiyon upang matigil ang mga kaso at insidente ng pagpatay. (BME-PIA 2, Nueva Vizcaya)
Number of Comments: 0