Tagalog News: PhilHealth magtatalaga ng mga CARES sa mga accredited na ospital

By Alice V. Sicat

Friday 27th of April 2012
LUNGSOD NG QUEZON, Abril 27 (PIA) -- Magtatalaga ng mga Customer Assistance, Relations and Empowerment Staff (CARES) ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga ospital sa iba’t-ibang panig ng bansa, simula Mayo 2, 2012.

Ang mga CARES ay ilalagay sa mga accredited na ospital upang siyang maging mga pangunahing kinatawan ng PhilHealth na kayang sumagot sa mga katanungan at magbigay ng mga impormasyon sa mga miyembro at pasyente na nais makakuha ng serbisyo ng Philhealth.

Ang proyektong ito ay alinsunod sa layunin ng pamahalaan na magkaroon ng “kalusugang pangkalahatan.” At ginagawa ito ng PhilHealth upang mas lalo pang mapalawak ang kanilang nasasaklawang mga miyembro na mabibigyan ng serbisyo.

Ayon sa PhilHealth, umabot sa 23,000 ang kanilang mga naging aplikanteng nars at 530 sa kanila ang dumaan sa matinding pagsusuri kaya’t napiling maging mga CARES.

“Mga nurses ang kinuha namin dahil sila ay may kinalaman na sa serbisyong pangmedikal at hindi na namin silang kailangang sanayin pa o i-train,” ayon kay PhilHealth President Eduardo P. Banzon.

Ang mga CARES ay maninilbihan sa ilalim ng tinatawag na job order contracts or project based contracts, at magkakaroon ng sahod na P15,356 at mayroong P1,200 na insurance mula sa PhilHealth kada buwan; may karagdagan din silang pang Group Accident insurance na P150 kada taon.

Ang CARES ay maninilbihan sa mga ospital mula 9:00 a.m. hanggang 5:00 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes at mula 9:00 a.m. hanggang 2:00 p.m. tuwing Sabado.

Ang mga CARES ay binigyan ng dalawang linggong masidhing pagsasanay tungkol sa mga polisiya, programa at benepisyo ng Philhealth.

Ayon pa kay Dr. Banzon, kung hindi matagpuan ang mga CARES sa PhilHealth desk ng mga ospital, makikilala sila sa pamamagitan ng suot nilang yellow and green t-shirt.

Si Dr. Banzon ay naging panauhin sa Communications and News Exchange (CNEX) Forum ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), Philippine Information Agency (PIA), People’s Television Network (PTV4), at Philippine Broadcasting Service (PBS) Radyo ng Bayan. (AVS/PIA NCR)
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters