Tagalog News: PNoy hinimok ang LP na tahakin ang ‘Tuwid na Daan’
LA TRINIDAD Benguet, June 25 (PIA) -- Sinabi ni Pangulong Bengino Aquino III na umaasa ang buong Partido Liberal na ang lahat ng mga kasapi nito ay tunay na maninindigan sa kung ano ang tama.
Pinangunahan ni Presidente Aquino, LP chairman at ni LP president Mar Roxas ang panunumpa ng 300 mga lokal na lider ng LP sa Cordillera kaninang umaga.
Itinatayang ang nanumpa bilang bagong miyembro ng Liberal Party (LP) sa isang convention ng partido dito sa Benguet State University Gymnasium, kaninang umaga.
Sa kanyang pananalita, nagpasalamat si Pangulong Aquino ang mga bagong ka-alyansa sa kanilang pagsapi sa Liberal Party at hinikayat din niya ang mga ito na itaguyod ang sinimulang pagbabago ng partido, sa direksyon ng ‘Tuwid na Daan’ at sa tunay na pag-aasikaso ng mga tunay na ‘boss’, ang mamamayang Pilipino.
“Tayo ay naririto upang masiguro na matatag ang ating platapormang gobyerno. Masiguro na may mga tunay na naglilingkod sa ating mga boss at hindi bukam-bibig lamang,” pahayag ng pangulo.
Ayon sa Pangulo, sa kaniyang halos tatlong taon na paglilingkod, marami nang naisulong na mga pag-angat, pagbabago at tunay na paglilingkod sa mga ‘boss’, kabilang na rito ang pagtulong sa 3 Milyong mahihirap na pamilya na benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer (CCT) Program at pag-enroll sa Philhealth ng halos walumpu’t dalawang porsiyento (82 percent) ng populasyon ng bansa.
Ayon kay Mar Roxas, halos walumpung porsiyento (80 percent) na ng mga lokal na lider sa Cordillera ang kabahagi na ng Liberal party. Kabilang na dito sina Ifugao Congressman Teddy Baguilat, Benguet Congressman Ronald Cosalan, Abra Congresswoman Joy Bernos, Kalinga Congressman Agyao at Mt. Province Congressman Maximo Dalog. Gayundin sina Ifugao Governor Eugene Balitang, Benguet Governor Nestor Fongwan, Abra Governor Estaquio Bersamin, Apayao Governor Elias Bulut Jr. at Kalinga Governor Jocel Baac. (CCD/PIA CAR)
Number of Comments: 0