Tagalog news: Kababaihan ng Kalinga nagsanay sa beauty care

By Geraldine G. Dumallig

Wednesday 25th of July 2012
TABUK CITY, Kalinga, July 25 (PIA) -– Pinagsanay ng libre ng pamahalaang panlalawigan ng Kalinga ang may 21 na mahihirap na kababaihan sa beauty care na maaring makatulong na pagkakitaan para sa pamilya.

Ayon kay Assistant PSWDO Espirita Gamatero, malapit nang matapos ng grupo ang kanilang isang buwang training at ngayon ay naghahanda para sa skills assessment ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang makuha nila ang kanilang Certificate of Completion (COC) mula sa naturang ahensya.

Pagkakuha ng kanilang COC, maari rin aniyang ituloy nila ang kanilang pagsasanay para makakuha ng National Certificate II (NC II) sa TESDA.

Ang naturang pagsasanay ay ibinabahagi ng libre ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Productivity and Enhancement Center for Women ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Samantala, may iba ring pagsasanay ang ipinamahagi ng Center tulad ng sewing craft na nakapagbigay hanap buhay na rin sa mga nagsanay. May mga benepisyaryo aniya na nakakuha ng trabaho sa mga local shop at yung iba naman ay nagtayo ng sariling tailoring shops. May impormasyon din aniya na may nagtratrabaho na sa abroad bilang clothing factory workers kung saan ginagamit na nila ngayon ang kanilang napag-aralan.

May plano rin aniya ang Center na magdagdag pa ng ibang pagsasanay tulad ng hairdressing at iba pa upang mabigyan pagkakataon ang mga mahihirap na hindi kayang mag-aral sa mga pribadong training center na matutunan ang mga bagong kaalaman o skill.

Ayon kay Gamatero, kahit konti lang ang nasasanay kada taon ng lokal na pamahalaan dahil sa maliit na pondo, nagiging mas makabuluhan naman dahil karamihan sa nga trainee-beneficiaries ay ang pangunahing nagbibigay tulong sa pamilya o family providers.(GGD, PIA-CAR, Kalinga)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters