Tagalog news: Kababaihan ng Tabuk ipinagdiwang ang 2012 Women’s Month
TABUK CITY, Kalinga, Mar. 26 (PIA) -- Ipinagdiwang kamakailan ng mga kababaihan ng lungsod ng Tabuk ang Buwan ng mga Kababaihan 2012 noong Marso 22 hanggang 24.
Sa naturang pagdiriwang, nagbigay pugay ang mga namumuno ng lungsod sa mga nagawa at magagawa pa ng mga kababaihan bilang kaagapay sa pagpapahalaga sa kapaligiran at pagpapalago sa lungsod bilang isang kumunidad.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Alkalde Ferdinand Tubban na sa mga panahong ito mahalaga ang papel ng mga kababaihan bilang kaagapay ng pamahalaan upang mapanatili ang magandang kapaligaran at mapagaan ang maaring idulot ng climate change lalo na sa lungsod.
Ayon sa alkalde, malaki ang impluwensya ng mga kababaihan sa kumunidad bilang mga nanay at dahil dito malaki ang kanilang magiging papel sa pagpapalaganap ng mga programa ng pamahalaan na tumutugon sa mga suliraning pangkalikasan.
Ani Tubban, napag-alaman mula sa mga pag-aaral na maliban sa natural na pagkakaroon ng pagbabago sa klima, malaki aniya ang naidudulot ng mga gawaing-tao tulad ng massive land conversion, deforestation, pagmimina at kawalan ng solid waste management upang lalong mapabilis ang epekto ng climate change.
Ang hamon ngayon aniya ay ang pagtutulungan ng lahat upang mabantayan ang mga gawaing-tao na mga ito upang mapagaan ang epekto ng climate change, at dito kailangan aniya ang sektor ng mga kababaihan na tumulong lalo na sa pagbabantay at pagpapaunlad ng kalikasan upang maiwasan ang mga sakunang dulot ng kalamidad dahil sa climate change.
Ayon naman kay Bise alkalde Darwin Estrañero, malaki rin ang papel ng mga kababaihan sa pagpapaunlad ng isang komunidad dahil sa kanilang pagpupursige at tapang.
Sa tema ng 2012 Women’s Month na "Weathering Climate Change: governance and accountability everyone’s responsibility," isang hamon aniya para sa mga babae ang tumayo at makilahok hindi lamang sa mga usaping pangkalikasan o climate change kundi pati sa mga programa ng lokal na pamahalaan.
Sa lungsod ng Tabuk, malaki aniya ang papel ng sektor upang masiguro ang maganda at maayos na pamamalakad ng pamahalaang lungsod upang mapaibayo ang the ekonomiya, sosyalidad, kultura at politikal na sitwasyon dito.
Dahil dito kinakailangan aniya na mapaibayo rin ang mga programang pangkababaihan upang lalo silang mapalakas bilang isang sektor ng lipunan.
Ang naturang pagtitipon ay sinalihan ng may 2,300 na kababaihan mula sa 67 na women’s organizations sa Tabuk city tulad ng KALIPI, RIC at SEA-K women livelihood organizations. (JDP/ GGD, PIA-CAR-Kalinga)
Number of Comments: 0