By Geraldine G. Dumallig
Tuesday 21st of February 2012TABUK CITY, Kalinga,Peb. 21(PIA) -– Kasalukuyang nagsasagawa ng Security Awareness Symposium ang mga kasundaluhan sa mga paaralan upang ipaalam at ipaliwanag sa mga mag-aaral ang mga propaganda ng mga komunista.
Ayon kay Lt. Colonel Felix Benitez, Commanding Officer ng 21st Infantry Battalion, kailangan ng mga mag-aaral na malaman at matutunan ang tutoong nangyayari sa pangangalap ng mga komunista ng kanilang kakampi.
Aniya mga bata ang pinakamadaling makuha na maging miyembro dahil sa kanilang pagiging idealistic na nagagamit upang mag-rebelde sa gobyerno. Isang proseso sa pangangalap aniya ay ang pag-papakita o ‘exposure’ ng mga kabataan sa kahirapan o ang tinatawag nilang “ills of the government” lalo na sa mga liblib na lugar upang ma-udyok ang kanilang mga damdamin na kumampi sa idealismo ng mga New People’s Army (NPA).
Kailangan aniyang malaman na maraming pagkakataon na ginagamit ng mga maka-kaliwa ang kahirapan sa propaganda upang makapangalap ng suporta. Malimit aniyang ibintang sa gobyerno ang lahat ng kahirapan.
Maraming pagkakataon na gustong dalhin ng gobyerno ang mga proyektong maaring makatulong sa mga tao ngunit ang mga ito ay pilit pinipigilan ng grupong komunista sapagkat alam nila na kung bubuti ang buhay ng tao magiging hadlang ito sa kanilang mga adhikain.
Ang masama nito aniya ay pinapalabas na maganda ang kanilang adhikain sa pagbabawal ng pagpapatupad ng mga pangkaunlarang proyekto.
Ipinaliwanag ni Benitez na ang tanging motibo kaya ito ginagawa ng mga makakaliwa ay upang tuloy-tuloy ang kahirapan na pangunahin nilang katwiran ng pag-rerebelde. Dahil kung mas mahirap at walang pinag-aralan ang mga tao mas madali aniya na malinlang ang mga ito upang sumunod sa kanilang organisasyon.
Aniya walang pinipili ang grupo kaya kahit mga kabataan na dapat nag-aaral upang magkaroon ng mas maunlad na buhay ay binibiktima.
Kaya bago makuha ng mga rebelde ang mga kabataan, mas mainam aniya na malaman na ng mga ito ang katotohan kaya kinakailangan ng gobyerno na maka-usap na ang mga ito bago pa maging biktima ng mga maka-kaliwang grupo. (GGD, PIA-CAR, Kalinga)