By Geraldine G. Dumallig
Wednesday 25th of January 2012TABUK CITY, Kalinga,Jan. 25(PIA) -- Inatasan kamakailan ni Department of Labor and Employment(DOLE) Kalinga Chief Dr. Avelina Manganip ang mga Public Employment Service Office (PESO) Managers na kumpletuhin ang listahan ng kanilang mga overseas Filipino workers (OFW) sa kanilang lugar para sila madokumento at maisama sa listahan ng baseline data ng lalawigan.
Sa nakaraang pagtitipon ng mga PESO, sinabi ni Manganip na mahalaga ang naturang datus hindi lamang upang magkaroon ng baseline data kundi para lalong mapadali ang pagbibigay serbisyo ng pamahalaan sa mga OFW at ang kanilang mga pamilya sa lalawigan.
Ito rin ay magsisilbing directory para mahanap ang mga OFWs sakaling magkaroon ng problema sa bansang pinaghahanap-buhayan nila.
Pinamamadali ni Manganip ang pagpapatupad sa survey para ma-profile pareho ang mga ‘documented’ at ‘undocumented’ na OFWs sa mga bayan. Aniya dapat maisama rin ang mga hindi dokumentado para matulungan rin sila lalo na kung magkakaroon ng krisis sa bansangkinalalagyan.
Ang mga OFWs dokumentado man o hindi aniya ay pare-parehong sa gobyerno unang humihingi ng tulong kung nagkakaroon ng problema.
Ang naturang survey aniya ay makakatulong din bilang OFW database para sa mga Community Based Monitoring Systems (CBMS) ng mga lokal na pamahalaan.Kailangan din ang profiling upang maiwasan ang mga problema sa pagbibigay ng malingimpormasyon ng mg OFW sa kanilang mga application tulad ng paglalagay ng hindi tamang address o tirahan.
Aniya kung minsan ginagamit na address ng mga aplikante ang tinitirhan nila sa mga syudad kung saan sila nag-apply ng trabaho. Dahil dito nagkakaroon sila at nang kanilang mga kaanak ng problema na makakuha ng mga programang pang-OFW sa kanilang mga bayan.
Kailangan aniyang gamitin ng OFW ang tamang home address dahil karamihan sa mga dokumentong kailanganin upang maka-kuha ng tulong mula sa pamahaalan ay makukuha lamang sa kanilang lugar tulad ng barangay clearance.
Ayon kay Manganip, sa taong ito, ipagpapatuloy ng DOLE ang pagbibigay serbisyo na mga manggagawa sa labas ng bansa bilang isang pangunahing programa.Para mapabilis ang pagbibigay ng mga naturang tulong, kailangan aniyang ipag-ibayo ang tamang pagdu-dukumento sa mga OFW.
Mas mainam aniya ang maging isang dukumentadong OFW dahil mas marami silang pagkakataon namakakuha ng tulong mula sa pamahalaan. Ang mga serbisyong ito ay kinabibilangan ng scholarships para sa mga kapamilya ng OFW, re-integration programs para sa mga nagbabalik na OFWs tulad ng livelihood, loan assistance, counseling, skills training, at referral para sa wage employment. Ang mga displaced workers naman ay maaring maka-kuha ng comprehensive program package.
Para naman maiwasan na maging biktima ng illegal recruitment, ang mga aplikante ayon kay Manganip ay kinakailangan komunsulta sa kanilang mga lokal na PESO para masigurado kung accredited at sertipikado ang mga recruitment agency na kanilang pinag-aaplayan. (JDP/GGD-PIA CAR,Kalinga)