Tagalog news: NDPR Week ipagdiriwang sa Camarines Norte
DAET, Camarines Norte, Hulyo 12 (PIA) -- Isasagawa sa ika-16 hanggang ika-23 ng Hulyo ngayong taon ang pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week Culminating Activity sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ito ay bilang pakikiisa ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWSDO).
Bahagi ng aktibidad na isasagawa sa Lunes, Hulyo 16 ang paggawa ng pineapple stripping at knotting na produkto mula sa dahon ng pinya na pangungunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Dioneda Special School sa bayan ng Daet.
Hangad nito na maging bahagi ang mga taong may kapansanan sa pag-unlad ng ekonomiya at magkaroon sila ng hanapbuhay na pagkakakitaan.
Magkakaroon din ng pagpapakita ng iba't ibang talento sa pamamagitan ng pagsayaw at pag-awit na isasagawa sa ika-23 ng Hulyo sa agro-sports center ng kapitolyo probinsiya.
Nakatakda naman na magbigay ng mensahe sa pagdiriwang sina Gob. Edgardo A. Tallado; Dr. Emma T. Soriano, Special Education (SPED) Pre-School Public and Private Instructor at Professor Rex A. Bernardo, Lead Convenor-Provincial Council on Disability Affair Camarines Norte.
Ayon kay Acting PSWDO Officer Cynthia R. dela Cruz, ang naturang pambansang selebrasyon ay susog sa Proclamation No. 361 at Administrative Order No. 35 na itinakda sa ilalim ng proklamasyon ang ikatlong linggo ng Hulyo bilang National Disability Prevention and Rehabilitation Week.
Dagdag pa niya, nakapaloob naman sa kautusang administratibo ang tagubilin sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan at pribadong ahensiya na itaguyod at magsagawa ng mga angkop na aktibidad sa pagdiriwang ng NDPR Week tuwing taon.
Itinalaga rin nito ang National Council for Disability Affairs na layunin nito ay mabigyang-diin ang pambansang pagsisikap na maiwasan ang pagkakaroon ng kapansanan at kasama rito ang rehabilitasyon upang ang mga Persons With Disabilities ay mapasama sa lipunan.
Tema ng pagdiriwang ang “Mainstreaming Persons with Disabilities in Economic Development” sa layuning tulungan ang mga taong may kapansanan na ipaalam ang kanilang mga karapatan at kahalagahan bilang bahagi ng lipunan. (MAL/ROV-PIA Camarines Norte)
Number of Comments: 0