Tagalog news: Daet Central Fire Station makikiisa sa mga aktibidad sa paggunita ng National Disaster Consciousness Month
DAET, Camarines Norte, Hulyo 4 (PIA) -- Makikiisa ang Central Fire Station dito sa mga isasagawang aktibidad ng Municipal Disaster Risk Reduction Office para sa paggunita ng National Disaster Consciousness Month ngayong buwan ng Hulyo.
Nauna ng aktibidad noong ika-28 ng Hunyo ang pagsasanay sa kahandaan sa sunog at lindol sa mga mag-aaral at guro ng Camarines Norte State College ganundin sa sekondarya ng Vicente Basit Memorial High School sa barangay Awitan ng bayan ng Daet.
Isinagawa sa pagsasanay ang mga kahandaan at hakbang na makakatulong sa pagsagip ng buhay ganundin ang paggamit ng pamatay sunog at iba pang pamamaraan na dapat gawin sa oras ng trahedya.
Ayon kay Central Fire Marshal Insp. Adonis Osea ng Bureau of Fire Station, magsasagawa pa rin ang kanilang tanggapan ng pagsasanay sa fire and earthquake drill sa pakikipagtulungan ng mga tanggapan ng pamahalaan, paaralan, mga establisyemento at mga sumusuporta sa paggunita ngayong buwan ng Hunyo.
Sa mensahe naman ni Osea, ibayong pag-iingat pa rin upang maiwasan ang trahedya at hindi magkaroon ng pinsala o sunog sa mga tahanan at suportahan ang kanilang kampanya sa pag-iwas sa sunog sa pamamagitan ng programa sa mga istasyon ng radyo.
Ayon pa rin kay Osea, kailangan rin ang kooperasyon ng mga mamamayan sa mga barangay upang mapanatili ang kahandaan at gumawa ng mga paraan na makaiwas sa sunog.
Dagdag pa niya na maging responsible sa loob ng mga tahanan at iwasan ang maglagay ng mga bagay na madaling masunog at iwasan din ang pagsusunog ng basura sa bakuran dahil maari itong pagmulan ng insidente.
Ang Daet Central Fire Station ay nasasakupan ang mga bayan ngTalisay, San Vicente at San Lorenzo Ruiz bataysa Bureau Order no. DSD-2012-010.
Tema ngayong taon “Ligtas na bayan, maunlad na Pamayanan”. (MAL/ROV-PIA Camarines Norte)
Number of Comments: 0