Tagalog news: Paligsahan sa pag-iipon ng butong pantanim ipinagpaliban ng EERMD

By Reyjun O. Villamonte Jr.

Thursday 14th of June 2012
DAET, Camarines Norte, Hunyo 14 (PIA) -– Ipinagpaliban ng tanggapan ng Ecosystem and Environment Resource Management Division (EERMD) ng pamahalaang panlalawigan ang paligsahan sa pag-iipon ng butong pantanim sa pamamagitan ng “Katmon at Kamagong para sa Kapaligiran Tungo sa Luntiang Camarines Norte” na nakatakdang ganapin sa ika-27 ng Hunyo.

Ayon kay Supervising Environmental Management Specialist Engr. Leopoldo Badiola ng EERMD, ipinagpaliban muna ang nasabing paligsahan dahil na rin sa hiling ng mga kalahok sa dahilang wala pa sa panahon ang mga nasabing puno o hindi pa pwedeng kunan ng butong pantanim.

Ayon pa rin kay Badiola, ang paligsahan ay isasagawa sa ika-15 ng Oktubre ngayong taon upang makapag-ipon ng mas marami ang mga lalahok sa paligsahan mula sa indibidwal at mga organisasyon gayundin ang mga nais makiisa sa programang ito ng pamahalaang panlalawigan.

Dagdag pa ni Badiola, walang nabago sa gantimpalang matatanggap ang mga mananalo na nagkakahalaga ng P6,000 sa unang puwesto, P4,000 sa pangalawa at P2,000 sa pangatlong puwesto.

Samantalang 1,000 naman bawat isa ang limang mapipili base sa dami at kalidad ng kanilang dalang butong pantanim at kalakip rin ng mga tatanggap ng premyo ang sertipiko ng pakikilahok.

Paalala pa rin ni Badiola, ang mga interesadong lalahok sa paligsahan ay kailangan na mag-ipon ng butong pantanim na hindi bababa sa kalahating kilo ng Katmon at hindi rin bababa sa 2 kilo ng Kamagong.

Layunin ng programa na buhayin at muling maparami ang mga Katmon at Kamagong sa lalawigan ng Camarines Norte dahil ito ay nakakatulong sa kapaligiran lalo na kung panahon ng tag-ulan ay mapipigilan nito ang pagbaha.

Ito ay bahagi ng proyekto ng Forestry Seedlings Protection Project at Tree Planting Program sa ilalim ng Forestry Management Program ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gobernador Edgardo A. Tallado. (ROV-PIA Camarines Norte).

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters