Tagalog News: Tamang pasahod sa mga tsuper at konduktor ipatutupad sa Camarines Norte

By Reyjun Villamonte

Monday 11th of June 2012
DAET, Camarines Norte, Hunyo 11 (PIA) -- Ipatutupad sa darating na buwan ng Hulyo ngayong taon sa lalawigan ng Camarines Norte ang Department Order No. 118-12 ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ito ay ang bagong batas na naglalaman ng pagtatalaga ng arawang pasahod, pagbibigay ng benepisyo, at tamang oras ng trabaho sa mga drayber at konduktor ng isang pampublikong bus at ang mga alituntunin nito ay dapat na sundin ng mga may-ari o bus operators sa buong bansa simula sa unang araw ng Hulyo ngayong taon.

Ang lahat ng mga drayber at konduktor ng bus na naninilbihan bilang permanente, kontraktuwal, reliber, por-byahe, porsyento o kaya ay boundary system na empleyado ay sakop ng batas na ito ganundin ang mga bus operators o mga may-ari ng kumpanya ng bus na sakop ng Certificate of Public Convenience (CPC) ng Land Tranportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Samantala, ang mga owners/operators ng mga paupahang coaches, tourist, school bus, at iba pang kahalintulad ng mga nabanggit ay hindi sakop o exempted sa batas.

Ayon sa pahayag ni Chief Labor and Employment Ruben Romanillos, Provincial Field Officer ng DOLE dito, ito ay ipinatutupad upang maiwasan ang mga aksidente gawa ng reckless driving, pagmamadali, pag-uunahan, paghahabulan, paggigitgitan at pag-aagawan sa pasahero upang makakuha ng malaking kita. Sa ganitong paraan masmagiging ligtas ang mga kalsada.

Ayon pa rin kay Romanillos, ang bagong batas ang sinasabing susi sa maingat na pagmamaneho dahil magkakaroon na ng dalawang uri ng siguradong kita ang mga drayber at konduktor, ito ang “fixed rate” o permanenteng arawang sahod na base sa minimum na itinalaga ng batas at “performance based” o sahod ng drayber at konduktor na base sa total na kita, safety performance at iba pang kahalintulad na barometro.

Ang DOLE at Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ay nagbibigay ng libreng seminar sa mga drayber, konduktor, at operators na nangangailangan ng tulong lalo na sa pagkwenta ng pasahod at iba pang itinalagang benepisyo.

Kung mayroon mang iba pang katanungan tungkol sa bagong batas ay maaaring magsadya sa tanggapan ng DOLE dito sa bayan ng Daet. (MAL/ROV-PIA 5, Camarines Norte)
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters