Diskwento Caravan isinagawa ng DTI
DAET, Camarines Norte, Hunyo 8 (PIA) -- Isinagawa kamakailan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng Camarines Norte ang dalawang araw na Diskwento Caravan bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase ngayong buwan ng Hunyo ganundin ang mga pangunahing bilihin sa pang-araw-araw na pangangailangan sa loob ng tahanan.
Ayon kay DTI provincial director Ernesto Pardo, nakipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa mga opisyal ng barangay para sa pagpapalawak ng nasabing aktibidad sa kanila-kanilang mga nasasakupan.
Umikot ang DTI sa walong barangay ng bayan ng Labo na kung saan nakinabang dito ang mga residente ng Bagacay, Awitan, Mabilo 1 at 2, Bakiad, Sta. Cruz, San Antonio, at barangay Lugui.
Ang mga kagamitan sa paaralan ay nabili ng mga residente sa mababang halaga ganundin ang mga pangunahing produkto o grocery items mula sa mga establishemento na nakiisa sa aktibidad.
Ang mga pangunahing kagamitan ay papel, lapis, krayola, at mga kailangan sa eskuwela samantalang ang mga grocery items ay asukal, kape, sardinas, mga sabon, gatas, at iba pang ginagamit sa araw-araw.
Nakiisa din ang National Food Authority (NFA) sa kanilang “iron-fortified rice” na kung saan hinikayat ng NFA ang mga residente sa pagbili ng murang bigas.
Nakatakda naman na isagawa ang Diskwento Caravan sa bayan ng Capalonga sa darating na buwan ng Septyembre ngayong taon.
Layunin nito na madala ang mga pangunahing bilihin sa murang halaga sa maraming mamimili upang makaagapay sa pagtaas ng presyo ng langis. (ROV-PIA 5, Camarines Norte)
Number of Comments: 0