Tagalog news: 25-taong anibersaryo ng grupo ng magsasaka at mangingisda ipinagdiriwang
DAET, Camarines Norte, Hunyo 6 (PIA) -- Ipinagdiriwang ngayong buwan ng Hunyo ang ika-25 taon ng anibersaryo ng Samahan ng mga Magsasaka at Mangingisda o Agricultural Fishery Council (AFC) sa lalawigan ng Camarines Norte.
Pinangunahan ito ng Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg).
Kabilang sa mga naisagawang aktidad na sinimulan noong Pebrero hanggang Mayo bilang paghahanda sa selebrasyon ngayong buwan ay ang pagsasanay sa organikong agrikultura o sistema ng pagsasaka na hindi ginagamitan ng anumang kemikal na may masamang epekto sa kalusugan ng tao at nakasisira sa kalikasan.
Nagsagawa din ng programa sa Radyo ng Bayan ang “Agri-Pinoy On the Air” kaugnay sa mga aktibidad ng AFC at pagbibigay ng mga kaalaman sa makabagong teknolohiya ng pagtatanim ng gulayin at ang paggamit ng organikong abono.
Nakiisa rin sa Multi-Services Caravan ng pamahalaang panlalawigan sa mga barangay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga iba't-ibang pantanim na bungang kahoy at ang pagsasagawa ng tamang pamamaraan ng pagtatanim.
Kabilang pa rin ang pagtatanim ng mga punong kahoy, nipa at bakawan sa bayan ng Basud, San Vicente, Vinzons, Talisay at Labo.
Isasagawa ngayong araw ang pagtatanim ng 500 binhi ng bakawan sa barangay Calangcawan Norte sa bayan ng Vinzons sa pamamagitan ng MAFC, mga miyembro ng AFCs at barangay, Vinzons Bantay Likas Yamang Dagat, Inc. (VINBALIYAD) at samahan ng mga kababaihan ganundin ang ibang grupo na makikiisa sa pagtatanim.
Ayon kay Provincial Agricultural and Fishery Council Coordinator Melinda L. Jerez, Aquaculturist II ng OPAg, ang pagtatanim ng bakawan ay tulong na mabawasan ang ating climate change o pabago-bagong panahon na nararanasan natin ngayon at malaking tulong din ito kapag may kalamidad o bagyo.
Nagsasagawa din ng tree planting ang Municipal Agricultural Fishery Council katuwang ang lokal na pamahalaan sa mga barangay sa pagtatanim ng mga bungang kahoy.
Nakatakda naman na bigyan ng parangal ng pagkilala ngayong buwan ang mga naging lider ng PAFC simula ng ito ay itatag.
Ang AFC ay isang samahan na kung saan ang ating mga magsasaka at mangingisda ay nagtataguyod ng mga usapin at kaugnayan na dapat iparating sa mga kinauukulan sa pamamagitan ng PAFC, MAFC at lokal na pamahalaan, BAFC, Rural Improvement Club (RIC), Academe at iba pang organisasyon na sumusuporta sa mga programa.
Tema ng pagdiriwang ngayon ang “AFC Dalawampu’t limang taon gabay ng masa, Kaagapay at tulay sa paglaban sa kahirapan at pagsulong ng kaunlaran sa pangkabuhayan at pangisdaan.” (ROV-PIA Camarines Norte)
Number of Comments: 0