Tagalog News: Fire safety inpection isinasagawa sa mga paaralan
DAET, Camarines Norte, Mayo 27 (PIA) -- Patuloy ang isinasagawang paghahanda sa sunog o fire safety inspection ng tanggapan ng Daet Central Fire Station ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga pribado at pampublikong paaralan ng elementarya, sekondarya, at kolehiyo sa bayan ng Daet, Talisay, San Vicente, at San Lorenzo Ruiz.
Kasama na rin dito ang pag-inspection sa mga boarding houses bilang paghahanda sa nalalapit na naman na pasukan ng mga mag-aaral sa darating na buwan ng Hunyo ngayong taon.
Ayon sa pahayag ni Central Fire Marshal Insp. Adonis Osea, ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga paaralan at ang nirerentahang bahay o boarding houses ng mga mag-aaral na kung saan ito ay kanilang pinagtutuunan ng pansin upang makaiwas sa sunog.
Ayon pa rin kay Osea, nakikipag-ugnayan ang kanilang tanggapan upang mabisita ang mga boarding houses na tinutuluyan ng mga mag-aaral at ang mga walang kaukulang permit ay kailangan din na ma-inspection.
Dagdag pa ni Osea, ang mga lalabag ay may kaukulang aksiyon at maaaring isara ang kanilang pinapaupahang bahay o boarding houses kung hindi sila susunod sa ipinagbabawal ng BFP.
Nagsagawa din ng pagbisita sa mga establisyemento batay sa memorandum o Intensified Fire Safety Inspection of Establishment na ipinalabas ng mataas na tanggapan ng Bureau of Fire Protection.
Nakiisa din ang BFP sa Brigada Eskuwela na programa ng Department of Education (DepEd) kung saan nagbahagi sila ng pintura na ginamit sa mga gusali ng paaralan at ang paglilinis ng auditorium gamit ang kanilang fire truck.
Sa mensahe naman ni Osea, laging isaisip ang pag-iingat at ang mga ginagawa ay hindi lang sa simula dapat ay buong taon itong gawin upang maiwasan ang aksidente ng sunog dahil ito ay malaking pinsala kung darating ang sakuna sa atin.
Dagdag pa niya, gagawin ng tanggapan ng Bureau of Fire Protection ang mga tungkulin para sa pag-iingat at paghahanda sa sunog. (RV - PIA 5, Camarines Norte)
Number of Comments: 0