Tagalog News: 40 benepisyaryo tumanggap ng Kabuhayan starter kit

By Reyjun Villamonte

Monday 27th of February 2012

DAET, Camarines Norte, Peb 24 (PIA)  --  Kabuuang 40 benepisyaryo ang tumanggap noong Huwebes (Pebrero 23) ng Kabuhayan starter kit  sa bayan ng Capalonga at Talisay mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) dito.

 

Pinangunahan ni DOLE regional director Nathaniel V. Lacambra ang pamamahagi sa 40 benepisyaryo ng mga kagamitang pangkabuhayan sa bawat bayan kung saan  20 ang tumanggap sa bayan ng Capalonga at 20 rin sa bayan ng Talisay.

 

Ang naipamahaging kit ay may kabuuang halaga na  P273,597 kung saan P138,840.50 ang halaga ng ipinamahagi sa bayan ng Capalonga na kinabibilangan ng gamit sa automotive servicing, consumer electronics, computer hardware servicing, massage theraphy, at ang kagamitan sa pag-aayos ng cellphone.

 

Sa bayan naman ng Talisay ay umabot ng P134,756.50 ang kabuuang halaga ng ibat-ibang kagamitan tulad ng gamit sa  wiring installation, computer hardware servicing, electronics at cellphone repair, carpentry tools, automotive mechanic, massage therapy, baking and pastry making, barber shop, at welding.

 

Sinabi ni Chief Labor and Employment Officer Ruben L. Romanillos, na layunin ng programa ang mabigyan ng hanapbuhay at pagkakakitaan ang mga walang trabaho sa  mga barangay at malaking tulong rin ang mga kagamitan sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

 

Ang 40 benepisyaryo ay pinili sa pamamagitan ng Public Employment Services Office (PESO)  ng pamahalaang bayan ng Capalonga at Talisay na nag-aral at nakapagtapos sa Technical Education Skills Development Authority (TESDA) ganundin ang certified skilled workers ng mga barangay.

 

Ayon kay Romanillos, ngayong buwan ng Marso ay pinaghahandaan na rin ng kanilang tanggapan ang pagpili ng mga  benepisyaryo sa  bayan ng San Lorenzo Ruiz upang mabigyan ng kagamitan sa produksiyon ng pinya sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).

 

Ang pamamahagi ng mga kagamitan ay isa sa pangunahing programa ng kanilang tanggapan o tinatawag na DOLE Kabuhayan starter kit. (MAL/RBM/ROV-PIA Camarines Norte).

 

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters