By Reyjun O. Villamonte Jr.
Thursday 23rd of February 2012DAET, Camarines Norte, Peb. 23 (PIA) -- Binigyan ng pagsasanay ang dalawang bagong Barangay Food Terminal, ang Rural Improvement Club (RIC) ng barangay Napilihan ng bayan ng Vinzons at Farmers Organization ng Sta.Cruz, Labo sa pagpapaunlad ng negosyo noong Martes, Pebrero 21.
Ayon kay Acting Provincial Agriculturist Francia C. Pajares, isinagawa sa pagsasanay ang pag-aaral at kung paano ang pamamalakad ng food terminal at mga tungkulin ng mga namamahala ganundin ang mga gagawin sa pagpapaunlad ng negosyo.
Kasama rin sa pagsasanay ang tatlong Baragay Food Terminal na nabigyan kamakailan ng ibat-ibang kagamitan at kapital para sa pagpapaunlad ng negosyo ang Country Side Agrarian Reform Beneficiaries (CARBS) ng barangay Maulawin ng bayan ng Sta. Elena, Rural Improvement Club (RIC) at Samahan ng Manggagawa at Mangingisda ng Banocboc (SMMB) sa bayan ng Vinzons.
Sa ngayon ay 10 na ang Barangay Food Terminal sa lalawigan na nagdadala ng mga produktong pang-agrikultura sa mga mamimili sa barangay at nadaragdagan ang kanilang produkto at pagkakakitaan.
Ang Barangay Food Terminal ay binuo sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor at ng Office of the Provincial Agriculturist ng pamahalaang panlalawigan upang madala ng mga magsasaka ang kanilang produkto sa mamimili sa mababang halaga at madagdagan ang kita ng mga magsasaka sa mga barangay. (RBM/ROV-PIA5 Camarines Norte)