By Reyjun O. Villamonte Jr.
Thursday 9th of February 2012
DAET, Camarines Norte, Peb. 9 (PIA) -- Nakatakdang ipamahagi ang 2,500 sako ng abono sa palay sa samahan ng mga magsasaka sa lalawigan ng Camarines Norte sa susunod na Linggo ngayong buwan ng Pebrero.
Ang 2,500 sako ng abono sa palay ay nasa pamamahala na ngayon ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan na ipapamahagi sa mga lokal na pamahalaan sa tanggapan ng Municipal Agriculturist Office ng bawat bayan.
Ayon kay Provincial Coordinator on Organic Farming Malyn C. Puato, Supervising Agriculturist ng OPAg, ito ay ipamamahagi sa mahigit o hindi lalampas sa 200 magsasaka na may kabuuang 250 ektarya na tataniman ng palay.
Ang abono ay mula sa tanggapan ng Bureau of Soil and Water Management (BSWM) ng Department of Agriculture (DA) bilang pagtugon sa Republic Act 10068 o Organic Agriculture sa programang Expanded Modified Rapid Composting Technology Demostration.
Dagdag pa ni Puato, ito ay libreng ibibigay sa mga benepisyaryo kapalit ng kanilang datos sa produksiyon ng palay simula ng kanilang pagtanim hanggang sa pag-ani.
Ang pamamahagi ng nasabing abono ay upang mabawasan ang paggamit ng mga magsasaka ng kemikal na fertilizer sa kanilang tanim na palay at gamitin ang organiko at in-organikong abono mula sa Kagawaran ng Pagsasaka.
Ito ngayon ay nasa masusing proseso na ng Commision on Audit (COA) at ng pamahalaang panlalawigan at anumang araw sa susunod na linggo ay ipapamahagi na ang mga abono sa samahan ng mga magsasaka.
Layunin ng programa ang ipagbawal sa mga magsasaka ang pagsusunog ng dayami sa kanilang palayan at makatulong din sa pabago-bagong panahon o climate change. (MAL/RBM/ROV, PIA Camarines Norte)