Tagalog news: Gawad Kalinga Enchanted Farm inilunsad sa bayan ng Daet
DAET, Camarines Norte, Hulyo 4 (PIA) -- Inilunsad noong Lunes, Hulyo 2 sa bayan ng Daet ang Gawad Kalinga (GK) Enchanted Farm sa pangunguna ni GK founder Tony Meloto sa pakikipagtulungan ni Mayor Tito Sarion.
Sinabi ni Sarion na may nakalaang P2 milyon pondo para sa proyekto mula kay Sen. Kiko Pangilinan ang kasama sa nasabing programa.
Ang naturang proyekto ay upang matulungan ang mga magsasaka sa bayan ng Daet na mapaunlad ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pagproseso ng ibat-ibang produktong pang-agrikultura.
Ayon sa kanya mayroon na ring 200 bahay ang GK sa Alawihao, Dogongan at Bibirao at magtatayo rin sa Laniton bayan ng San Lorenzo Ruiz. Ang lupa para sa panibagong proyekto sa Laniton ay donasyon mula sa pamilya Chavez.
Ang GK Enchanted farm naman ay ilalagay sa Bibirao at Laniton, San Lorenzo Ruiz bilang social entrepreneurship program para sa mga residente.
Sinabi naman ni Meloto na napili rin ang bayan ng Daet para sa proyekto dahil ito ay gateway ng Bikol kung saan maraming oportunidad sa pag-unlad sa ekonomiya ang makikita.
Ayon sa kanya, hindi aasenso kung iiwanan ang agrikultura kung kaya't sa enchanted farm matutulungan ang mga magsasaka.
Aniya, 13 GK village na rin ang naitayo sa lalawigan at patuloy pa rin ang kanilang programa sa pabahay at suporta sa iba pang programang pang komunidad tulad ng pagkakakitaan ng mga residente.
Hiniling rin niya na hikayatin ang mga nagtapos na huwag ng lalabas ng bansa bagkus gamitin ang kanilang talento sa sariling bayan.
Aniya, alam ng mundo na tayo ang susunod na uunlad na bansa ngunit hindi umano alam ng mga Pilipino ito.
Isinagawa rin ang GK Nation Building forum at Congress sa Camarines Norte State College (CNSC) matapos ang paglulunsad sa pamahalaang bayan ng Daet. (MAL/RBM-PIA Camarines Norte)
Number of Comments: 0