Tagalog News: Kampanya sa buwis paiigtingin ng BIR Camarines Norte ngayong taon

By Rosalita B. Manlangit

Tuesday 28th of February 2012

DAET, Camarines Norte, Peb. 28 (PIA) -- Pag-iigtingin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kampanya sa pagbabayad ng tamang buwis upang maabot ang layuning makakolekta ng P519.5 milyon sa lalawigan.

 

Ito ang pahayag ni OIC Revenue District Officer Nemesia Diano kung saan sinabi niya na magsasagawa sila sa darating na buwan ng Marso ng isang motorcade at maikling programa upang maiparating sa mga nagbabayad ng buwis ang layunin ng kanilang tanggapan.

 

Ayon sa kanya mas paiigtingin rin ang pagbabantay sa mga propesyunal tulad ng mga doktor, mga abogado at iba pa sapagkat karamihan dito ay hindi na nabibigyan ng pansin sa pangongolekta ng tamang buwis.

 

Sinabi niya na hahabol rin ang BIR sa mga withholding tax ng mga empleyado ng gobyerno upang makasama sa koleksiyon ngayong buwan ng Pebrero.

 

Aniya nahirapan silang abutin ang target ng nakaraang taon dahilan sa kakulangan ng mga examiner sa kanilang tanggapan sanhi ng paglipat ng tatlo sa ibang distrito o re-shuffle ng mga empleyado.

 

Kaalinsabay na rin ang pag-apila sa mga may negosyo dito na magbayad ng tamang buwis at ganon din ang isasagawang tax mapping sa mga bayan.

 

Nanawagan rin siya sa mga magbabayad ng buwis na magbayad agad nang maaga para hindi na sumabay sa huling araw ng pasusumite ng buwis nito sa ika-16 ng Abril. (MAL/RBM-PIA5 Camarines Norte)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters