Sinabi ni Science Research Specialist II Marilou Belgado ng DOST- Camarines Norte na target ngayong taon ang pagbibigay ng kagamitan o equipments para sa paggawa ng kalabasa katsup at nata de coco sa mga benepisyaryo ng naturang programa at matapos ito ay sasanayin na ang mga grupo sa paggawa ng nasabing mga produkto.
Ang mga benepisyaryo ay ang Rural Improvement Club (RIC) ng barangay Matnog ng bayan ng Basud para sa produktong nata de coco at ang Samahan ng mga Kababaihan sa Pagpapaunlad ng Pamayanan ng barangay Bakiad at Sta. Cruz ng bayan ng Labo para sa produktong kalabasa katsup.
Ayon sa kanya tinatayang aabot sa mahigit P150,000 ang halaga ng mga kagamitan na ibibigay ng libre sa bawat grupo at ganon din bibigyan ng libreng pagsasanay ng kanilang tanggapan dito at ng DOST Region V.
Ang proyektong Siglang Pinoy ay sa pangunguna ng FNRI at pinopondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARD) ng DOST.
Ito ay isang community-based project na naglalayon na palakasin ang anim na napiling lalawigan sa bansa kabilang ang Basud at Labo sa pamamagitan ng ibat-ibang pamamaraan sa pagsusulong ng tamang nutrisyon, kominikasyon at pagtuturo ng mga teknolohiya.
Layon rin ng programa na isulong ang tamang nutrisyon, paggawa ng pagkain at pagsasanay kaugnay nito, nutrition on the air at talakayan sa media.
Ang mga proyekto ngayong taon ay natukoy sa isinagawang pagsasanay ng FNRI sa mga stakeholders ng Siglang Pinoy mula sa anim na lalawigan na “Empowering Stakeholders of the Accelerated Hunger Mititagtion Program Through Nutrition Communication and Technology Transfer” ng nakaraang ika-1-2 ng Pebrero sa naturang tanggapan sa Taguig City.
Inilunsad ang programa ng nakaraang taon at magtatapos sa taong 2013 kung saan nauna ng isinagawa ang pagtukoy sa grupo, pagkuha ng mga datus, seminar, talakayan sa media, at mga pagpupulong.
Kabilang rin sa proyekto ang Iligan City, Ipil sa Zabuanga Sibugay, Roxas, Zamboanga del Norte, at Bayawan City.(MAL/RBM-PIA Camarines Norte).