Tagalog News: "BEAT D RISK” sa sakuna at kalamidad paiigtingin sa Camarines Norte

By Rosalita Base-Manlangit

Tuesday 7th of February 2012

DAET, Camarines Norte, Peb 7 (PIA) -- Lalong palalakasin ng pamahalaang panlalawigan ang paghahanda sa sakuna at kalamidad sa pamamagitan ng “BEAT D RISK” Program, o “Building an Environment of Awareness and Trust through Disaster Risk Reduction Initiatives, Safety and Knowledge Management” na naglalayong makabuo ng isang kulturang pangkaligtasan para sa lahat ng mamamayan.

 

Sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management officer Dr. Carlos Galvez na kabilang dito ang paghahanda sa pangangalaga sa kagubatan, karagatan, kailugan, at kalawakan katulad ng pagbabalik ng nasirang “riparian buffer zones” sa gilid ng kailugan.

 

Sinimulan ang naturang programa noong nakaraang taon sa pag-upo ni Galvez sa naturang opisina kung saan nagsagawa na ng mga pagsasanay sa mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Councils (MDRRMCs), mga barangay emergency response teams, mga mag-aaral, mga empleyedo ng ilang ahensiya ng pamahalaan, at mga volunteers.

 

Target din ngayong taon ang pag-aalis o dredging ng mga balunbon at putik na nagiging sanhi ng flashfloods na pumapatay sa yamang tubig at sumisira sa likas na tirahan nito.

 

Aniya, kung may gubat sa gilid ng ilog, may pipigil sa mga umaanod na troso bago makarating sa mga kabahayan na matatagpuan sa mga mababang lugar.

 

Pag-iibayuhin rin ng PDRRMO ang pagtatayo at pagsasaayos ng mga “early warning system” sa lahat ng bayan upang higit na makapaghanda ang mga mamamayan sa anumang paparating na kalamidad.

 

Kaugnay nito, puspusang pagsasanay ang nakatakdang gawin ng opisina lalong-lalo na kapag nabuksan na ang Provincial Disaster Risk Reduction/Climate Change Adaptation Training Center hanggang makarating ang programa sa pinakamaliit na sektor - ang pamilya, para sa angkop na kamalayang pangkaligtasan.

 

Ito ang pangunahing pangarap ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gobernador Edgardo Tallado na magkaroon ng “emergency responder” o “first aider” sa bawat mag-anak upang magkaroon ng isang “resilient community” para harapin ang kalamidad. (MAL/RBM/PIA Camarines Norte)

 

 

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters