By Rosalita Base-Manlangit
Monday 6th of February 2012DAET, Camarines Norte, Peb 6 (PIA) –-- Tatanggap na ngayong buwan ng Pebrero ang may 3,953 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa bayan ng Daet at Talisay, ang huling mga bayan na nakasama sa pagpapalawig ng naturang programa para ngayong taon ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD).
Sa 3,953 benepisyaryo, 1,098 ay galing sa bayan ng Talisay at 2,855 naman ay mula sa bayan ng Daet.
Sinabi ni DSWD regional director Nemia Tapispisan na nasa proseso na ng pagpapatala ang mga benepisyaryo ng 4Ps sa naturang dalawang bayan sa Land Bank of the Philippines (LBP) at kasunod nito ay matatanggap na nila ang kanilang tulong pinansiyal para sa buwan ng Enero at Pebrero.
Ayon sa kanya, mayroong 27,996 ang mga benepisyaryo mula sa 12 bayan ng lalawigan na natutulungan ng naturang programa.
Binigyang diin niya na ang DSWD mismo ang pumili ng mga benepisyaryo ng programa sa ilalim ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) kung saan isinagawa ang pagsusuri sa kalagayan ng sambayan sa bawat munisipyo upang matukoy kung sino at kung saan matatagpuan ang mahihirap na pamilya.
Ang 4Ps ay naglalayong makatulong sa mga mahihirap na sambayanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal o cash grant upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa nutrisyon, kalusugan, at pag-aaral ng mga batang may edad 14 taong gulang pababa.
Bawat pamilya ay maaring makatanggap ng hanggang a P1,400 bawat buwan depende sa kwalipikadong miyembro nito. (RBM/PIA Camarines Norte)