Tagalog news: Mga supporters at kaanak ng pamilya Robredo, bumuhos ang pakikiramay
LUNGSOD NG NAGA, Aug.21 (PIA) -- Eksaktong alas 9:20 ngayong umaga matapos ang pahayag ni DOTC Secretary Mar Roxas na natagpuan at naihaon na ang bangkay ni DILG Secretary Jesse M. Robredo, dumagsa ang mas maraming mga tao para makiramay sa pamilya.
Nakuha si DILG Secretary Robredo ng mga dayuhang technical divers 800 metrong layo sa dalampasigan at sa lalim na 180 talampakan.
Agad na dumagsa ang mga lokal na opisyal ng Naga sa bahay ng kalihim..Mas lalong dumami ang tao ngayon kung ikukumpara noong nakaraang mga araw dahil na rin sa kagustuhan ng mga supporters na makiramay sa pamilyang naiwan ni Robredo.
Napakalungkot ngayon dito sa lungsod ng Naga partikular dito sa compound ng mga Robredo. Karamihan ay umiiyak at labis labis ang panghihinayang sa pagkawala ng isang magaling na Bikolano.
Nasa loob naman ng kanilang tahanan si Atty Leni, maybahay ng kalihim, kasama ang kanyang mga anak at ilang mga kaanak..
Iginagalang naman ng mga mamamahayag na naririto na hayaan muna ang pamilya sa kanilang nararamdamang kalungkutan
Kahapon ay personal na kinausap ni Pangulong Benigno Aquino si Atty Leni sa Pili Airport lounge upang iupdate ng noon ay nagpapatuloy pang rescue and search operation para sa kalihim..
Samantala, magkakaroon naman ngayon ng pagpupulong ang mga kagawad ng Sangguniang Panlalawigan upang gumawa ng isang resolusyon na nagpapahayag ng kanilang pagkalungkot sa pagkawala ni Sec robredo, (MAL/LSM-PIA5-Camarines Sur)
Number of Comments: 0