Tagalog news: PNP Camarines Sur pinaigting ang Oplan Kontra Boga
LUNGSOD NG NAGA, Agosto 1 (PIA) -- Nagbigay abiso ang pamunuan ng Philippine National Police - Camarines Sur sa lahat ng nagmamay-ari ng hindi lisensyadong baril na iparehistro na ito sa lalong madaling panahon para hindi ito makumpiska at maharap sila sa kasong illegal possession of firearms.
Sa pahayag ni Senior Supt. Ramon Ranara, OIC provincial director, nagpadala na ang kanilang opisina ng sulat sa lahat ng may hawak na armas lalo na sa mga hindi nakapagpa-renew ng kanilang lisensiya.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng pinalakas na kampanya ng programang “Oplan Kontra Boga.”
Kasabay nito ay iba’t ibang checkpoints ang iniligay sa mga istratehikong lugar para mamonitor ang mga may dalang iligal na armas.
Ayon kay Ranara, agad nilang sasampahan ng kaso ang sinumang mahulihang nagdadala ng hindi lisensyadong baril.
Aniya, ito ay paghahanda na rin upang mapanatili ang kaayusan bago ang eleksyon sa Mayo 2013.
Sa pinalabas na opisyal na record ng regional office ng Bicol, ang Camarines Sur ang may pinakamaraming bilang ng hindi rehistradong armas na 11,412 loose firearms.
Sinusundan ito ng lalawigan ng Albay na mayroong 7,829; Masbate, 4,403; Camarines Norte, 2,860; Sorsogon, 2,777; at Catanduanes, 694.
Patuloy ang maigting na kampanya ng mga operatiba at sa ngayon ay mayroon ng 28 na armas na nasamsam ng mga otoridad simula noong Enero hanggang Hunyo ngayong taon. (MAL/LSM/NBB-PIA5,Camarines Sur)
Number of Comments: 0