Tagalog news: Dagdag na trabaho para sa mga Nagueño, naitala ng Naga-PESO
LUNGSOD NG NAGA, Hulyo 7 (PIA) -- Dagdag na trabaho para sa mga Nagueño ang naitala ng Metro Naga Public Employment Services Office (Metro PESO) ngayong Hunyo, kabilang na ang mga para sa dumalo sa dalawang araw na "job fair" noong nakaraang "charter anniversary celebration" ng lungsod na ito.
Ayon kay Nono Reforsado ng Naga City Metro PESO, mula sa 1,186 na aplikante na nagbigay ng kanilang aplikasyon sa mga kompanya, halos 114 ang pumasa sa nasabing interview at "hired on the spot" para magtrabaho sa loob at labas ng bansa.
Ang mga pinalad na natanggap upang magtrabaho sa ibang bansa ay bibigyan ng kaulukang asistensiya ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Naga sa pamamagitan ng Overseas Placement Assistance program ng Metro PESO. Tatanggap sila ng halagang mula P10,000 hanggang P20,000 bilang financial assistance.
Umabot naman sa 208 ang mga nag-apply ng trabaho sa "overseas deployment" kung saan 85 dito ay mga lalaki, samantalang 123 naman ang mga babae. Sa naturang bilang, 23 nito ang kwalipikado at 148 ang kailangan pa ng karagdagang interview.
Ang employer naman na Red Dragon Farm mula sa Pampanga ang kumuha ng 52 empleyado upang magtrabaho sa iba't ibang opisina nito, kabilang na ang mga office workers, information technologists at electronic operators.
Samantala, muling nagpalabas ng "hiring, interview at orientation schedule" ang Metro PESO para sa mga nagnanais pang makahanap ng trabaho. Nakatakda itong ganapin sa darating na Hulyo 18. Isa sa mga imbitadong employer ang NIPPON Philippines na naghahanap ng mga tauhan na dadalhin nito sa Japan.
Ang recruitment project na ito ay bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan ng Naga na mabigyan ng oportunidad ang mas marami pang mga Naguenos upang mapaunlad ang kanilang buhay pati na rin ang komunidad na kanilang kinabibilangan. (MAL/LSM/DCA-PIA Camarines Sur)
Number of Comments: 0