By Danilo C. Abad
Wednesday 22nd of February 2012PILI, Camarines Sur, Peb.22 (PIA) -- Naglaan ang Department of Agriculture (DA) sa Bicol ng 607 sako ng certified seeds sa abot kayang halaga para sa mga magsasaka sa Camarines Sur.
Ayon kay National Seed Quality Control Services (NSQCS) chief Ofel Anacin, dumaan sa pagsusuri ng NSQCS ang mga certified seeds kagaya ng PSB Rc 10, NSIC Rc158, NSIC RC 222, NSIC Rc 224, PSB Rc 18, NSIC at RC 216. Ang mga butong ito ay maaring makuha ng mga magsasaka mula sa mga seed growers sa lalawigan.
Idinagdag pa ni Anacin na noong nakaraang buwan, umabot sa 645 sako ng certified seeds ang dumaan sa seed testing upang matiyak ang kalidad nito. Sa naturang bilang, 607 sako lamang ang rehistrado at pumasa sa quality control laboratory ng kanilang ahensya.
Ayon pa kay Anacin, na hindi lamang sa pagsusuri ng mga binhing palay ang kanilang trabaho kundi nagunguna rin sila sa pag inspeksiyon ng mga imbakan, processing plants, seed producers at dealers, distribution centers at maging ang lugar ng produksyon para masiguro na dekalidad ang produksyon ng certified palay seeds na magagamit ng mga masasaka sa pagtatanim.
Ang NSQCS ng Bureau of Plant Industry sa rehiyon Bicol ay sumusuporta sa Agrikulturang-Pinoy program ng DA para sa sapat, ligtas at abot-kayang pagkain sa lahat. (MAL/LSM/DCA – PIA Camarines Sur)