Tagalog news: Mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes nanguna sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan
VIRAC, Catanduanes, Hunyo 14 (PIA) -- Pinangunahan nina Catanduanes Gov. Joseph C. Cua at Lone District Congressman Cesar V. Sarmiento ang pagdiriwang ng ika-114 na taong pagdiriwang ng kalayaan ng ating bansa sa kamay ng mga dayuhan nitong Martes.
Isang misa ng pasasalamat ang isinagawa ganap na alas siyete sa Virac Cathedral na dinaluhan ng mga kawani ng pamahalaan, mga lokal na opisyal, kapulisan, at mga miyembro ng Philippine Army.
Ginanap ang pagtataas ng watawat sa plaza ng bayan na sinundan ng panunumpa sa watawat ng Pilipinas na pinangunahan ni Judge Lelu P. Contreras ng Executive Judge RTC, branch 42 and 43. Sinundan ito ng pag-aalay ng bulaklak sa paanan ng monumento ng pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal na pinangunahan naman ni Gov. Cua at Cong. Sarmiento, kasabay ng pagbibigay ng 21-gun salute na iginawad ng PNP Provincial Office.
Sa mensahe ni Gov. Cua kanyang sinabi na bagama’t simple ang naturang pagdiriwang dapat na ipagpatuloy ng kasalukuyang henerasyon ang mga nasimulan ng ating mga ninuno para makamtan ang tunay na kalayaan. Ito ay sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan para malabanan ang anumang balakid sa ikauunlad ng ating bayan.
Ayon naman kay Cong. Sarmiento ang tunay na diwa ng kalayaan ay ang pagkakabuklod-buklod para labanan ang kagutuman at kahirapan at ang pagpapatuloy ng pagpapatupad ng mga programang makakatulong sa mahihirap nating mga kababayan. (MAL/EAB-PIA Catanduanes)
Number of Comments: 0