By Edna A. Bagadiong
Thursday 9th of February 2012VIRAC, Catanduanes, Peb. 9 (PIA) -- Bilang kontribusyon sa National Greening Program (NGP) ng pamahalaan, inatasan ni Philippine National Police (PNP) Provincial Director Superintendent Lito Pitallano ang lahat na miyembro ng PNP upang magtanim ng anim na puno bawat isa buwan buwan hanggang 2013.
Noong nakaraang Linggo, pinirmahan ni Supt. Pitallano ang isang Memorandum Of Agreement (MOA) kasama na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kinatawan ni PENRO Joaquin Ed Guerrero.
Dumalo rin sa naturang aktibidad si CENRO Luvimindo Chioco, Deputy PD Supt. Rodolfo Quinones, PCR Officer Insp. Maria Luisa Calubaquib, mga kapulisan at mga lokal na mamamahayag.
Sa ilalim ng MOA, ang DENR at PNP ay magtatakda ng mga lugar sa loob ng Camp Francisco Camacho at lahat ng istasyon ng pulis para sa pagpapatayo ng mga forest nurseries at sila rin ang magtatakda ng mga lugar na maaaring pagtaniman ng mga puno.
Magbibigay rin ng kaukulang rekomendasyon ang DENR hinggil sa klase ng puno na itatanim na naaayon sa propagasyon sa lalawigan.
Sa kabilang banda, magbibigay naman ng mga tauhan ang PNP at iba pang pangangailangan para sa nursery at produksyon ng mga gagamitin sa pagtatanim.
Inaasahan ng mga ahensya na malaki ang maitutulong ng naturang aktibidad sa pagpapayaman sa kalikasan at pangangalaga ng kagubatan sa lalawigan. (MAL/EAB, PIA Catanduanes)