VIRAC, Catanduanes, Peb. 7 (PIA) -- Mahigit sa 267 na indibidwal ang nabiyayaan ng isinagawang pagsasanay para sa paghahabi ng k aragumay at paggawa ng papel ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong nakaraang buwan sa Viga-Payo-Bagamanoc Area pati na rin sa mga bayan ng San Miguel at San Andres. Ang karagumay ay isang matibay na dahon na magandang gamitin sa paghahabi. Ang naturang programa ay ipinatupad sa pangunguna ni Congressman Cesar V. Sarmiento ng Catanduanes.
Naging matagumpay ang unang pagsasanay na isinagawa noong Disyembre 2011 sa TESDA Cabugao Campus na naging daan para sa mga sumunod pang pagsasanay.
Maliban sa kaalaman at pagsasanay, may ibinibigay ring paunang kasangkapan o starter kit sa mga nakatapos ng seminar na magsisilbing puhunan nila sa pagsimula ng negosyo at sa pagkaroon ng dagdag kita.
Ang unang bahagi ng pagsasanay ay nakasentro sa pagtuturo ng mga pangunahing kaalaman sa paggawa sa pamamagitan ng kamay gamit ang karagumay, at ang ikalawang bahagi naman nito ay nakasentro sa pagbibigay kaalaman hinggil sa mga epektibong paraan upang maibenta ang kanilang mga produkto. Sa bahagi rin na ito tinuturuan ang mga kalahok ng mga bago at kakaibang disenyo para maging world-class ang kanilang mga gagawing baskets at bags na makakatulong rin sa pagpapaunlad ng turismo sa lalawigan.
Malaki naman ang pasasalamat ng mga nabiyayaan ng naturang proyekto na pinangunahan ni Cong. Cesar V. Sarmiento na Catanduanes dahil malaki ang naitulong nito sa kanilang kabuhayan. (MAL/EAB, PIA Catanduanes)