SAN ANDRES, Catanduanes, Peb 7 (PIA) -- Ipinahayag ni Catanduanes Lone District Congressman Cesar V. Sarmiento ang kanyang pagsuporta sa mga programa ng mga Senior Citizens sa bayan ng San Andres sa kanyang pagdalo sa pagbubukas ng bagong ayos na gusali para sa mga senior citizens sa naturang bayan noong Pebrero 3.
Ayon sa mambabatas, maliban sa pagsiguro sa kinabukasan ng mga kabataan, kailangan din umanong pahalagahan at igalang ang mga matatanda sa lipunan. Kanya ring sinabi na malaki ang kanyang pagpapahalaga sa mga ideya na ibinibigay ng mga naunang henerasyon at kanya rin umanong ginagawang inspirasyon ang mga pangaral ng mga ito na nagsisilbing direksyon sa kaniyang paninilbihan sa isla ng Catanduanes.
Nangako rin ang kongresista na patuloy siyang magbibigay ng tulong at suporta sa mga senior citizens partikular na umano sa pagpapatapos ng Senior Citizens building sa nasabing bayan upang maging modelo para sa iba pang bayan.
Bukod sa pagsasaayos ng opisina, isang function area rin ang itinyo sa senior citizens building upang pagdausan ng mga okasyon at pagdiriwang ng mga miyembro ng naturang grupo.
Dumalo rin sa naturang okasyon si San Andres Mayor Antonio Romano at Senior Citizens Federation President Lydia Romano.
Samantala, inaasahang matatapos naman ang pagsasaayos ng isa pa ring gusali para sa mga senior citizen sa bayan ng Virac sa mga susunod na buwan. (MAL/EAB-PIA Catanduanes)