VIRAC, Catanduanes, Feb. 1 (PIA) -- Inaasahang magiging isa sa mga dadayuhing lugar sa lalawigan ang kauna-unahang high-tech Doppler radar facility sa Pilipinas na nakatayo sa Buenavista, Bato, Catanduanes.
Bukod sa mga lokal na mamamayan, inaasahang daragsa simula sa buwan ng Marso ang mga weather scientists at forecasters sa buong Asya at iba pang bahagi ng mundo.
Ayon kay Mark Lazaro ng Japan Radio Co. (JRC), marami umanong weathermen ang inaasahang pupunta sa naturang pasilidad oras na maging full-operational na ito ngayong buwan upang makita kung gaano kaeksakto ang mga weather forecasts nito na pinamunuan ng JRC.
Ayon sa kanya, ang naturang radar system ay mayroong mas mababang konsumo ng kuryente at maaaring tumagal hanggang 15 taon kung ikukumpara ito sa mga kasalukuyang Doppler Technology na gumagamit ng US-made coaxial magnetrons na nagkakahalagang P3 milyon na kailangang palitan kada tatlong taon.
Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng P560 milyon sa kabuuan. (MAL/EAB, PIA Catanduanes)