VIRAC, Catanduanes, Peb 1 (PIA) -- Magandang balita, walang maapektuhang mga isda at mangingisda sa Bato at Baras, dahil sa "oil spill." Kinumpirma ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na negatibo sa oil spill ang mga bayan ng Bato at Baras; inaakalang ito ay nabahiran dahil sa paglubog ng M/V Suns Spirits noong Enero 22, 2012.
Ang naturang kumpirmasyon ay taliwas sa naunang ulat na positibo umano sa oil spill ang karagatan sa mga nasabing bayan.
Sa pulong na ipinatawag ni Gobernador Joseph C. Cua, ipinatigil niya ang “seaborne mission” upang suriin ang sakop na mga lugar ng pinaglubugan ng barko matapos mapatunayang negatibo nga ito sa oil spill.
Umaga noong Sabado nang magtungo sa lugar ng pinaglubugan ang 10-member Marine Pollution team ng Philippine Coast Guard, 10 empleyado ng PDDRMO, Philippine Red Cross Catanduanes Chapter, at iba pang ahensya ng pamahalaan kasama ng apat na mangingisdang pumapalaot sa naturang lugar.
Pagsapit ng Linggo, hindi pa rin nakakuha ng ebidensya ng oil slick ang grupo sa pinaglubugan ng M/V Suns Spirits.
Ang naunang ulat tungkol sa oil spill ay sanhi ng mga ulat na rin ng mga mangingisdang pumalaot sa karagatang pinaglubugan ng barko kung saan maiiitim at butas na tiyan na mga isda ang kanilang nahuli na isa sa mga senyales ng oil spill. (MAL/EAB, PIA Catanduanes)