Tagalog news: Magreretirong pulis binigyang pugay sa pamamagitan ng "fun run"
LUNGSOD NG MASBATE, Hulyo 3 (PIA) -- Bilang pagpupugay sa magreretiro nilang kasamahan, nagsagawa ng "fun run” ang Masbate Police Provincial Command sa pangunguna ni Provincial Director Senior Supt. Heriberto Olitiquit.
Ang aktibidad na ito, na kanilang tinawag na “1st Masbate PPO Fun Run: A Tribute to the PNP retirees” ay nakasentro din upang mapanatiling mainam ang pangangatawan ng mga alagad ng kapulisan partikular dito sa Masbate Police Provincial Command.
Ang nasabing fun run ay sinimulan dakong alas 4:30 n.u. noong Hunyo 29. Ito ay kinabibilangan ng tatlong kategorya: ang 4K para sa mga babae na may edad 39 na taong gulang pababa, 8K para sa mga kalalakihang may edad 40 pataas at 10K na kategorya.
Tinahak ng mga kalahok ang mga pangunahing lansangan ng siyudad at nagtapos sa provincial headquarters sa Camp Bonny Serrano.
Humigit-kumulang sa 200 ang sumali sa takbuhan mula sa provincial headquarters, 20 mula sa municipal police stations at tig-iisa mula sa city police station, Masbate Provincial Public Safety Company, Special Action Force Company at national support units.
Isinagawa ang paggawad ng parangal kinahapunan nang araw din iyon pagkatapos ng pagbaba ng watawat dakong 5 n.h. (MAL/RAL-PIA Masbate)
Number of Comments: 0