LUNGSOD NG MASBATE, Peb 16 (PIA) -- Nagtagumpay sa bayan ng Mobo sa lalawigan ng Masbate ang Kalahi-CIDSS program nang nakaraang taon kaya nagpasya ang Department of Social Welfare and Development na ipagpatuloy ang community-driven development sa naturang bayan.
Katunayan, pinag-aaralan na ng isang grupo na binubuo ng iba’t-ibang ahensiya kung alin sa mga proyektong ipinanukala ng mga pamayanan ang kanilang isasakatuparan sa Mobo ngayong 2012.
Inihain ang mga panukalang proyekto sa pagtitipon ng mga community leaders at mga opisyal ng iba’t-ibang ahensiya na idinaos kahapon sa bulwagan ng pamahalaan bayan ng Mobo.
Ang Mobo ay karugtong na bayan ng lungsod ng Masbate at may 29 barangay at populasyong 28,233.
Ayon sa Kalahi-CIDSS coordinator sa Mobo na si Grace Ann Penetrante, marami sa mga proyektong dapat unahin ay popondohan ng Kalahi-CIDSS.
Ang community-driven development ang estratihiya sa likod ng programang Kalahi-CIDSS na nagdulot ng pro-poor projects sa one-third ng kabuuang bilang ng barangay sa Mobo nang taong 2011.
Sa naturang estratihiya, kalahok ang pamayanan sa pagpapasya at pagsasakatuparan ng mga proyekto katulad ng health centers, school buildings, farm-to-market roads, at water system.
Ayon kay Penetrante, dahil sa kasali ang pamayanan sa pagpapasya at pagsasakatuparan ng mga proyekto, maaasahan sila’y tutulong sa pangangalaga at pagpapanatili sa mga naturang proyekto. (MAL/EAD- IA Masbate)