LUNGSOD NG MASBATE, Peb 8 (PIA) -- Kung napapansin ng publiko ang pag-unti ng mga pampasaherong bus, jeep, at van sa siyudad ng Masbate, iyan ay dahil sa mukhang nabubura na sa city terminal ang mga kolorum.
Simula sa mga unang araw ng bagong taon ay pusupusang ipinatupad ng pamunuan ng Masbate Integrated Bus and jeepney Terminal ang pagbabawal sa mga behikulong walang prangkisa na pumarada sa siyudad.
Ang Masbate Integrated Bus and Jeepney Terminal ang tanging paradahan ng mga public utility vehicles na bumibiyahe sa iba't-ibang destinasyon sa labas ng lungsod.
Alinsunod sa "No Green Plate Policy" ni City Mayor Socrates Tuason ay hinuhuli rin ang mga kolorum na pagsasakay ng mga pasahero sa labas ng terminal.
Ilang bus, jeepney, at vans na walang prangkisa mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang bumagsak na sa impounding area ng mga otoridad.
Aminado si City Economic Enterprises manager Mabini Estrada na malaki rin ang nawala sa kikitain sa parking fees dahil sa pagtanggal sa mga kolorum.
Pero ayon kay Estrada patuloy na isasara nila sa mga kolorum ang terminal dahil nararapat lang anya na ipatupad ang regulasyon upang maging patas sa mga sumusunod nito. (MAL/EAD, PIA Masbate)