11 malalaking tindahan sa Masbate nasita ng local price team
LUNGSOD NG MASBATE, Agosto 7 (PIA) -- Nasita ng task force ang 11 malalaking tindahan sa lungsod ng Masbate ukol sa pagsalungat sa batas sa pangangalakal.
Kabilang sa 11 ang Shimmery Enterprises at Novo na nahuling nagbebenta ng mga electrical products na galing China subalit walang tatak ng “import commodity clearance” o ICC.
Binalaan ang Shimmery at Novo dahil ayon sa task force, nalalagay sa panganib ang taong gumagamit ng mga electrical products na walang ICC o product standard clearance.
Natuklasan naman ng task force na binuo ni Mayor Socrates Tuason ang ilang de-latang karne ng baboy na expired na sa istante pa rin ng outlet sa lungsod ng chain store na Lucky Nine.
Overpricing naman ang kaso ng Botero Fruits and Vegetables Store at Love Store dahil ayon sa kaanib ng task force na kumakatawan sa Department of Trade and Industry, ang presyo sa naturang mga tindahan ay kapuna-punang mataas sa suggested retail prices o prevailing prices sa palengke.
Ang anim na iba pang nahuling lumalabag sa Fair Trade Act ay natuklasang gumagamit ng hindi calibrated na timbangan ng produkto at walang price tags sa kanilang mga paninda.
Ayon sa task force member Ronnie Ferriol, layunin ng pinagsamang task force ng pamahalaang lungsod at DTI na mapangalagaan ang mamimili sa pamamagitan ng pagsasagawa ng surprise inspections sa mga tindahan. (EAD)
Number of Comments: 0