Tagalog news: 17th Police Community Relations Month: Pulis sa Masbate hinikayat na tahakin ang daang matuwid

By Ernesto A. Delgado

Monday 6th of August 2012
LUNGSOD NG MASBATE, Agosto 6 (PIA) -- Hinikayat ni Masbate City Mayor Socrates Tuason ang mga pulis sa lalawigan ng Masbate na tahakin ang matuwid na daan ni Pangulong Aquino at sugpuin ang krimen nang buong husay dahil ito aniya ang pinakamahusay na paraan upang mapag-init ang ugnayang pulisya at pamayanan.

Ito ang buod ng mensahe ni Tuason bilang guest speaker ng palatuntunan ng Masbate Police Provincial Office kaugnay ng pagtatapos ng pagdiriwang ng 17th Police-Community Relations Month noong nakaraang Martes.

Sa mensahe ni Tuason na ibinahagi ng kaniyang kinatawan na si Atty. Prudencio Densing, sinabi ng alkalde na ang magandang imahe ang susi upang mapalapit ang pulisya sa pamayanan.

Matatamo aniya ang magandang imahe kung ang kapulisan ay mananatiling may mataas na moralidad, at buong husay nitong maipagtatanggol ang pamayanan sa anumang panganib.

Sa naturang palatuntunan, iginawad din ang pagkilala sa mga indibidwal at organisasyon na may katangi-tanging naiambag upang mapabuti ang police-community relation sa lalawigan.

Ang mga binigyan ng pagkilala ay sina Barangay Captain Joseph Martinez ng Barangay Maingaran na todo ang suporta sa greening program ng PNP, ang negosyanteng si Eglin Sian na nagkaloob ng suporta sa renovation ng mga pasilidad sa police headquarters, at ang Philippine Red Cross.

Isinabay din ang mass oath-taking ng 57 pulis na ginawaran ng mas mataas na ranggo.

Iminungkahi ni City Mayor Tuason sa mga nakatanggap ng promosyon na magsikap upang buong husay na magampanan ang inaasahan sa kanilang bagong ranggo. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)





Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters