Tagalog news: Water supply sa Masbate balik sa normal bago matapos ang Hulyo
LUNGSOD NG MASBATE, Hulyo 10 (PIA) -- Malaki ang pag-asa na muling matatamasa nang mahigit 35,000 residente ng lungsod ng Masbate ang masaganang supply ng malinis na tubig bago matapos ang kasalukuyang buwan.
Ang pahayag na ito ang nilalaman ng sulat na natanggap ni Masbate Mayor Socrates Tuason mula kay Masbate-Mobo Water District Interim general manager Quintin Catabui III.
Simula taong 2010, nagpatupad ng rotating water interruptions at ayon sa water district, ang krisis ay bunga ng pagbaba ng level ng mga balon sa karatig bayan ng Mobo na pinagkukunan nito ng supply ng tubig.
Ayon kay Catabui, nagkaroon ng kasunduan ang water district at pribadong kumpanya na Singfil Hydrobuilders Inc. na ang huli ang magtutustos ng tubig na bobombahin nito sa Bañadero River sa Mobo papunta sa distribution system ng water district.
Aniya malapit ng matapos ng Singfil Hydrobuilders Inc. ang pagtayo ng filtration plant at nangako ang kumpanya na sisimulan nito ang kanyang operasyon bago matapos ang Hulyo.
Tiniyak ni Catabui na handa na ang distribution systems ng water district na tumatanggap ng tubig mula sa filtration plant. (MAL/EAD-PIA5, Masbate)
Number of Comments: 0