Tagalog news: Ospital ng Masbate handang patunayan na ito’y ‘mother-baby friendly facility’
LUNGSOD NG MASBATE, Hunyo 14 (PIA) -- Naghahanda na ang pinakamalaking ospital ng lalawigan ng Masbate upang kilalanin bilang “mother-baby friendly facility.”
Ayon kay Merien Esber, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan na nagpapatakbo ng Masbate Provincial Hospital, isang serye ng pagsasanay ang ibinigay sa mga tauhan ng ospital bilang paghahanda sa gagawing pagtatasa ng Center for Health Development sa Bicol.
Iginagawad ang pagkilala bilang “mother-baby friendly facility” sa mga pagamutan at birthing facilities na sumusunod sa Milk Code.
Ito ay ang pagpapasuso ng ina sa bagong panganak na sanggol at mahigpit na patakaran ito sa mga sertipikadong pasilidad ng Center for Health Development.
Layunin nito na maputol ang kinasanayang paggamit ng infant formula na mga gatas na ayon sa United Nations Children’s Fund ay hindi sapat na pagkain ng sanggol.
Ang pagtasa sa lactation management ng ospital ng Masbate ay itinakda umano sa susunod na buwan.
Ang Center for Health Development ay regional arm ng Department of Health. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)
Number of Comments: 0