LUNGSOD NG MASBATE, Peb. 23 (PIA) -- Susubukan ng Masbate na maitanghal ang pinakamalaking parada ng kabayo sa kontinente sa pyesta ng industriya ng bakahan na masasaksihan sa Abril 9-14.
Ibinahagi ng pasimuno ng selebrasyon na si Manuel Sese ng Rodeo Masbateño Inc. na hanggang 500 na kabayo ang balak nilang iparada sa opening day ng Rodeo Festival upang maitala ang pinakamalaking parada ng kabayo sa Asya.
Ayon sa impormasyon na nakalap ng Rodeo Masbateño Inc., mababa pa sa 300 ang bilang ng kabayo na naiparada sa ibang bansa sa Asia.
Bukod sa parade ng mga kabayo, itatampok din sa opening day ang barn dancing ng mga kowboy sa kalsada ng syudad ng Masbate.
Isang dagdag din na attraction ang cattle drive - kung saan susubukan ng isang kowboy na pastolan ang 40 baka mula sa isang kilometrong haba ng kalsada hanggang makarating ang kumpon sa rodeo arena.
Mahigit 10,000 ang mga taong inaasahang makikibahagi at sasakhi sa pagdiriwang. Malaking bilang nito ay mga dayuhang turista.
Apatnapung koponan ang sasali sa rodeo arena upang matagisan ng kakayahan sa bull wrestling, lassoing, carambola, at iba pa sa loob ng limang araw.
Para kay Sese na bukod sa isang rantsero ay huwes din ng Regional Trial Court sa Masbate, bukod sa tagisan ng galing ng mga kowboy, ang rodeo ngayon ang tulay sa pagkakaisa sa Masbate, ang lalawigan na sa panahong nakalipas ay napapansin lamang sa magulong labanan ng mga lokal na politiko. (MAL/EAD, PIA Masbate)