By Ernesto A. Delgado
Friday 17th of February 2012LUNGSOD NG MASBATE, Peb 17 (PIA) -- Nagtalaga ng tauhan si Justice Secretary Leila de Lima na uusig sa mga kasong may kinalaman sa illegal na pangingisda sa lalawigan ng Masbate.
Sa kanyang Department Order No. 97 na natanggap kahapon sa Masbate, itinalaga ng kalihim si Edmundo O. Legazpi, ang hepe ng Masbate City Prosecution Office, na siyang hahawak ng inquest proceedings at preliminary investigation ng mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa RA 8550 o Fisheries Code of 1998.
Kung may ebidensiya laban sa sinumang akusado, si Legaspi rin ang inaatasang magsampa ng kaso at siya rin ang uusig nito sa korte.
Ayon kay De Lima, ang pagtatalaga sa city prosecutor ay bunsod sa hiling ni Masbate Provincial Prosecutor Jeremias Mapula na alisin sa kanya ang kapangyarihan na magresolba ng mga kaso ng illegal fishing sa 20 bayan ng Masbate.
Si Mapula ay nag-inhibit upang mabura ang pagdududa sa mga resolutions tungkol sa illegal fishing bunsod ng alingasngas na ilan umano sa kanyang mga assistant prosecutors ay nasusuhulan upang paboran ang inaakusahang fishing boats operators.
Inaasahan din na ang direktiba ni De Lima ang tutuldok sa kalituhan na dulot ng pagkuwestyon sa bisa ng direktiba ni Bicol Regional State Prosecutor Mary May de Leuz.
Ang direktiba ni De Leuz ay pareho ng isinasaad ng direktiba ni De Lima subalit may ilang lokal na huwes na nagkukwestyon sa kapangyarihan ng una na magpalabas ng naturang direktiba. (MAL/EAD, PIA Masbate)