LUNGSOD NG MASBATE, Peb. 14 (PIA) -- May hihigit pa kayang magpapasaya sa mga nagmamahal sa Araw ng mga puso kundi ang grooming at beauty treat?
Love ng mga lovers na pinapamper sila, at bilang pag-unawa nito, ang pamahalaang panglungsod ng Masbate ay magbibigay ng libreng personality makeover sa mga babae at lalaking in-lab bilang bonus sa pagdiriwang na isasagawa ngayon upang palaganapin ang pagmamahalan.
Kasama sa makeover ang gupit, pagkukulay ng buhok, hot oil treatment, facial cleansing at nail polishing.
Ayon kay Ramesis Sison ng Masbate City hall communications group, ang bakuran ng city hall ang magsisilbing beauty parlor para sa pangkat ng beauty specialists at kababaihan at kalalakihan na nais magmukhang bata, maganda at makisig.
Aniya ang serbisyo ng beauty specialists ay available magmula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
At bilang dagdag na kabuluhan sa pagdiriwang ng kaarawan ni St. Valentines, ang customers ay maaring magbigay ng donasyon para sa proyektong pangkagalingan ng mga batang lansangan sa lungsod.
Ayon pa kay Sison, ang mga beauty specialists ay hinimok ni Masbate City Mayor Socrates Tuason na ibahagi ang kanilang serbisyo sa tinaguriang “Hapi Ka! Puso Day Activity.” (EAD-R5)