LUNGSOD NG MASBATE, Peb. 4 (PIA) -- Magdadagdag ang Land Transportation Office ng mga deputized agents na magpapatupad ng “no plate, no travel” policy sa dumaraming motorista sa umuunlad na lungsod ng Masbate.
Napagdesisyonan ito ng Provincial Law Enforcement Coordinating Council kasunod sa umano’y kaunting bilang ng apprehension sa mga lumalabag sa naturang patakaran taliwas sa mas marami ang nakikitang lumalabag dito.
Inamin ni LTO-Masbate chief Maricar Butalid na sa loob ng isang linggo ay dalawang beses lang lumalabas ng lungsod ang mga deputado ng LTO upang manghuli ng lumalabag sa “no pemit, no travel” policy.
Aminado rin si LTO-Masbate chief Maricar Butalid na nahihirapan ang anim na deputado ng ahensya sa pagbantay sa lungsod at 20 bayan ng lalawigan ng Masbate.
Dalawa sa anim ay kasapi ng Highway Patrol Group, isa ang kasapi ng pulisya sa Isla ng Ticao, isa naman ang kasapi ng pulisya sa malayong bayan ng Placer, at dalawa ang kasapi ng pulisya ng lungsod ng Masbate kung saan umabot na sa mahigit 5,000 ang mga sasakyang pumapasok sa mga kalsada nito.
Ayon kay Butalid, dadaan sa mahigpit na pagsasanay ang mga pulis na magiging karagdagang deputado ng LTO.
Isinusulong naman ni Senior Supt. Heriberto Olitoquit ang mahigpit na pagpapatupad ng no plate, no travel policy bilang bahagi ng kampanya laban sa kriminalidad.
Karaniwan na anya na walang plaka ang ginagamit na get-away vehicles ng mga kriminal. (MAL/EADelgado, PIA Masbate)