LUNGSOD NG MASBATE, Peb 4 (PIA) -- Nagbabala ang tanggapan ng Department of Health dito kontra sa pagkain ng butete, isang uri ng puffer fish.
Ang babala ay muling ipinatalastas kasunod ng pagpanaw ng anim na tao sa bayan ng San Pascual sa lalawigan ng Masbate na kumain ng butete.
Ayon sa DOH program coordinator sa Masbate na si Dr. Pedro Lee, ilang bahagi ng butete ay nakakalason.
Ipinaliwanag ni Dr. Lee na ang lason na tinataglay ng atay, bituka, at balat ng butete ay mahigit isang libong beses na mas mabagsik sa nakamamatay na kemikal na cyanide.
Hindi rin aniya natatanggal ang lason kahit na lutuing mabuti ng butete.
Binalaan ni Dr. Lee ang mga restawran at palengke sa Masbate na huwag bumili at magbenta ng butete dahil sa maaari nitong idulot na panganib.
Iminungkahi din ni Dr. Lee sa mga namumuno sa mga baybaying komunidad na ipabatid ang babala sa kanilang mga nasasakupan.
Karaniwang inihahain sa hapag kainan ng mga naninirahan sa coastal barangays ng Masbate ang butete sa mga araw na masama ang panahon at mahirap manghuli ng isda na mauulam.
Kung mangangailangan ng tulong mula sa mga eksperto, ang mga Bikolano ay pinapayuhang makipag-ugnayan sa Bicol Medical Center o tumawag sa 054-472-3424. (MAL/EAD- PIA Masbate)