Tagalog news: Mayroong libreng pagsasanay sa mga kapulisan sa tamang pagmamaneho, pangangalaga ng mga sasakyan

By Francisco B. Tumalad Jr.

Wednesday 19th of September 2012
LUNGSOD NG SORSOGON, Sept.19 (PIA) -- Nagsagawa ang Sorsogon Police Provincial Office (SPPO) ng libreng pagsasanay sa mga pulis sa tamang pagmamaneho at pangangalaga ng mga sasakyan sa Land Transportation Office (LTO) Sorsogon noong nakaraang linggo na ginanap sa Kampo Escudero Sr., lungsod ng Sorsogon.

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ni Sorsogon Police Provincial Director PSSupt. John CA Jambora at naging guest lecturer dito si Ricardo Nepomuceno, supply officer ng LTO-Sorsogon habang nagbigay naman ng pambungad na pananalita si PCI Erwin Doma, administrative officer at iprinisinta ni P/Supt. Robert AA Morico, tumatayong deputy provincial director for administration ng Sorsogon Police Provincial Office ang naging paksa ng isang araw na pagsasanay.

Ayon kay Police Chief Inspector Nonito F. Marquez, community relations officer ng PNP Sorsogon, ang pagsasanay ay may kaugnayan sa tamang pangangalaga ng mga sasakyan na itinalaga para sa kanilang mga yunit nang sa gayon ay epektibo at mabilis itong makapaghahatid ng napapanahong serbisyo publiko.

Pagkatapos nang masusing pagsasanay ay sumunod ang pagtuturo ng "defensive driving strategies" upang makaiwas sa malalaking aksidente, pagtuturo ng dagdag kaalaman sa tamang paggamit ng hazard light, stop light, at signal lights sa oras na nasiraan sila o di kaya’y tatabi ng daan at liliko sa pakrus na kalsada.

Binigyan din ang mga kalahok ng dagdag kaalaman sa pagbibigay-daan lalong-lalo na sa mga maliliit na sasakyan at maging sa malalaking mga sasakyan.

Ayon kay Nepomuceno, ang tagapagpatupad ng batas ang siyang dapat na unang kinakikitaan ng magandang halimbawa at totoong sumusunod sa ipinapatupad nilang batas upang matuto ring sumunod ang publiko.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga tauhan ng pulis mula pa sa ibat-ibang istasyon ng pulisya sa buong lalawigan ng Sorsogon. (MAL/BAR/FBT-PIA5, Sorsogon)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters