Tagalog news: Bacon-Manito monitoring team may bagong chairman; pagsunod sa ECC tiniyak
LUNGSOD NG SORSOGON, Sept 24 (PIA) -- Positibo ang mga kasapi ng Bacon-Manito Geothermal Multi-Partite Monitoring Team na madali nilang magagampanan ang kani-kanilang papel matapos makilala ang kanilang bagong tagapangasiwa.
Si Roberto Sheen ang papalit kay Environmental Management Bureau (EMB) – Bicol Regional Director Gilbert Gonzales na itinalaga na bilang Regional Executive Director ng Department of Environment and Natural Resources.
Si Sheen ay regional director ng EMB – National Capital Region bago nailipat sa Bicol.
Sa kauna-unahang pakikipagpulong ni Sheen sa mga kasapi ng nasabing monitoring team, tiniyak niya ang pagiging responsable sa posisyong ipinagkatiwala sa kanya bilang bagong EMB - Bicol regional director at sa pagiging chairman ng BMGMMT.
Inihayag niya sa grupo ang kanyang buong suporta at tiniyak sa mga kasapi ng BGMMT na bukas siya sa anumang mga obserbasyon at nakahanda siyang pakinggan ang mga suhestyong makakatulong upang higit pang mapaayos ang pagpapatupad ng mga programang may kaugnayan sa ibinigay sa kanyang posisyon.
Mariin din niyang sinabi na nais niyang pagkatiwalaan siya ng mga Bikolano at mapalagay ang loob ng mga ito sa kanya lalo na sa pagpapaabot sa kanyang tanggapan ng iba’t ibang mga isyu na may kinalaman sa tamang pangangalaga at pamamahala ng kapaligiran lalo na sa mga lugar na may mga aktibidad na may kaugnayan sa kalikasan tulad ng pagmimina, geothermal exploration at mga aktibidad ng paghuhukay o quarrying.
Idinagdag pa ni Sheen na nais din niyang masustinihan ang pagiging aktibo ng mga kasapi ng sectoral monitoring team ng Energy Development Corporation (EDC) at Bacon-Manito Geothermal Inc. (BGI) at matiyak na nasusunod nga nito ang lahat ng mga probisyong nakasaad sa Manual of Operations at sa Environmental Compliance Certificate (ECC) na inisyu dito.
Ang BGMMT ay isang grupong multi-sectoral na binuo alinsunod sa probisyong isinasaad ng DENR Administrative Order No. 37 s. 1996, DENR AO No. 2003-30 at revised procedural manual 2007 nito upang sumubaybay at tiyaking naipatutupad ng EDC at BGI ang ECC na inisyu sa kanila.
Pangunahing responsibilidad ng grupo na magsagawa ng monitoring at validation ng mga ipinatupad at ipinatutupad na proyekto ng EDC at BGI sa sakop na lugar nito sa Bacon, Sorsogon City at Manito, Albay at magsagawa ng kaukulang rekomendasyon alinsunod sa resulta ng ginawang monitoring at validation ng bawat sectoral team.
Kabilang sa mga sinusubaybayan at tinatasa ng BMGMMT ay ang kalidad ng tubig at hangin sa mga lugar na apektado ng operasyon ng EDC at BGI, pamamahala ng mga nakalalasong basura, kalusugan ng mga direktang nagtatrabaho sa kompanya, watershed at forest protection, paraan ng pagbibigay kamalayan at kaalaman kasama na ang socio-economic impact ng proyekto sa mga komunidad na sakop. (MAL/BAR-PIA5, Sorsogon)
Number of Comments: 0